Ito ang “master controller” o pangunahing kumokontrol ng metabolismo.
Mga uri ng kanser sa thyroid
Ang kanser sa thyroid ay may klasipikasyon ayon sa uri ng kanser, sa laki at sa bilis ng pagkalat nito.2 Ang kanser sa thyroid ay karaniwang nagagamot at maaaring mabigyang-lunas ng operasyon at, minsan, ng radioactive iodine.3 May apat na pangunahing uri ng kanser sa thyroid.3
Papillary thyroid cancer ang pinakakaraniwang uri, tinatayang 70–80% ito ng kabuoang mga kaso at maaaring mangyari sa anumang edad. Ito ay isang tumor na mabagal ang paglaki na ang madalas kumalat sa mga kulane ng leeg.3
Follicular thyroid cancer, binubuo ang 10–15% ng lahat ng kanser sa thyroid, mabagal din ang paglaki at maaari ring kumalat sa mga kulane, sa daluyan ng dugo at sa malalayong tissue, kabilang ang mga buto at mga baga.3
Medullary thyroid cancer ang bumubuo sa 2% ng kabuoang mga kaso, 25% ng mga kaso’y namamana sa pamilya, at iniuugnay sa ibang tumor sa endocrine. Samakatwid, kailangang suriin ang mga miyembro ng pamilya ng isang pasyente kung mayroong medullary thyroid cancer para sa genetic mutation.2,3
Anaplastic thyroid cancer ang pinakaagresibong kanser sa thyroid at ang pinakamataas ang posibilidad na hindi madadaan sa gamutan. Tinatayang mababa pa sa 2% ng mga kaso ang bumubuo dito. Ito ay tumor na mabilis ang paglaki at pagkalat na mahirap gamutin.3
Paano sinusuri ang kanser sa thyroid?
Ang kanser sa thyroid ay tumutubong madalas bilang bukol o nodule na walang pinapakitang sintomas.3 Ang nodule ay madalas di-sadyang natutuklasan, halimbawa’y sa CT o ultrasound scan na isinagawa para sa ibang dahilan.3 Sa pag-eksamen ng thyroid ay ginagamit ang thyroid ultrasound.3 Ang isang mikroskopikong pag-eksamen ng tissue sample na kinuha sa fine-needle aspiration biopsy ang magpapakita kung mayroong mga cancer cell at, sa pagsusuri, anong uri ng kanser ang mga ito.3 Sa kabutihang-palad, wala pa sa isa sa 10 nodule ang cancerous.3
Ang pagsusuri sa kanser sa thyroid ay nakabibigla, at karaniwang sinusundan ng pagbuhos ng mga damdamin tulad ng lungkot, takot, galit, at kawalan ng magagawa. Ang matuto pa lalo tungkol sa iyong sakit at ang medikal na pangangalagang mayroon na ay makatutulong upang paimbabawan ang takot at anupamang damdamin ng kawalan ng magagawa. Pinahihintulutan din nito ang aktibong pakikibahagi mo sa proseso ng paggamot. Ang magandang balita’y ang kanser sa thyroid ay nagagamot at madalas ay nabibigyang-lunas.
Ang paggamot sa kanser sa thyroid
Ayon sa American Thyroid Association, ang pangunahing paggamot sa lahat ng uri ng kanser sa thyroid ay ang pagtanggal sa operasyon ng bahagi o ng buong thyroid gland.3 Kung ang tumor ay kumalat na sa mga kulani sa leeg o sa itaas na bahagi ng dibdib, ang mga kulani ay kailangan ding tanggalin.3 Pagkatapos tanggalin ang thyroid ikaw ay reresetahan ng angkop na medikasyon. Kailangan mong sumailalim sa medikasyon nang permanente.3
Kung ang iyong tumor ay malaki o kumalat na sa ibang tissue, maaaring irekomenda ng iyong doktor ang radioactive iodine (RAI) therapy pagkatapos ng operasyon.3 Pupuksain ng RAI ang natitirang mga cancer cell, kahit iyong nasa malalayong tissue.3 Bilang paghahanda sa ganitong paggamot, ikaw ay gagawing hypothyroid sa pamamagitan ng paghinto sa paggamot o pag-ineksiyon ng TSH.3 Mas kakaunting iodine sa iyong katawan, mas epektibo ang paggamot.3 Kailangan mong kumonsulta sa iyong doktor kung paano mo babalansehin ang mga potensiyal na panganib at benepisyo ng paggamot.
Sa mga pasyenteng nasa advanced stage na ng kanser sa thyroid, ang operasyon at RAI treatment ay maaaring hindi na tumalab. Dito na ipanunukala ng iyong doktor ang radiation therapy, chemotherapy o ang kombinasyon ng dalawa.3
Pagkatapos ng matagumpay na paggamot, kailangan ang regular na follow-up examination upang seguruhin na hindi bumalik ang kanser. Kabilang sa mga ganitong check-up ang pisikal at ultrasound na pag-eksamen sa leeg at mga blood test. Ipapakita ng mga blood test kung tumatanggap ka ng tamang dami ng thyroxine at upang maobserbahan ang presensiya ng thyroglobulin. Pagkatapos matanggal ang thyroid at ng RAI treatment, hindi na dapat makagagawa pa ang iyong katawan ng protinang thyroglobulin (isang protina na nagagawa lamang sa thyroid gland). Kung ito’y lalabas sa blood test ay nangangahulugang marahil ay bumalik ang iyong kanser sa thyroid.3
Tala: Ayon sa American Thyroid Association, ang mga pasyenteng may differentiated at papillary thyroid cancer na mas bata sa edad 45 na maliit ang laki ng tumor o ng kanser na nasa loob ng thyroid gland ay may magandang tsansa na manumbalik ang dating kalusugan.3 Para sa mga pasyenteng ito, ang 10-year survival rate ay 100%.3 Para sa lahat ng pasyente ng kanser sa thyroid na sinuri sa USA sa pagitan ng 2006 at 2012, ang 5-year survival rate na 98.1% ay naitala.4
GL-NONE-00102
Date of preparation: February 2022