Ang Thyroid

Ito ang “master controller” o pangunahing kumokontrol ng metabolismo.

TUNGKOL SA GOITER AT NODULE

Ang kakulangan ng iodine sa diet ay ang numero unong sanhi sa mundo ng paglaki ng thyroid (mas kilala bilang “goiter”).1 Sa katunayan, tinatayang 0.7 bilyon na tao sa buong mundo ang apektado ng kakulangan sa iodine.2


Paano mapapansin ang isang goiter

Nabubuo ang goiter kapag nagtangkang i-compensate ng thyroid gland ang kakulangan sa iodine at ang iniuugnay na mababa at/o nabigong produksiyon ng thyroid hormone. Sa prosesong ito, dahan-dahan itong lumalaki mula sa kaniyang normal na laki.1

Ang isang tao na may labis na paglaki ng thyroid ay maaaring may problema sa paglunok at paghinga.3

Nirerekomenda ng American Association of Clinical Endocrinologists ang tinatawag na “neck check” upang tulungan ang mga taong posibleng may paglaki ang thyroid.4

Ang simpleng biswal na klasipikasyon ay maaaring hindi tama — pangunahing dahilan ang posibilidad ng human error at mga pagkakaiba-iba sa indibidwal na anatomiya (hal. ang isang leeg na balot sa masel ay maaaring magtago ng malaking thyroid) — at hindi ito dapat gawing pamalit sa partikular na pagsusuri ng isang doktor.

Paano kilalanin ang isang nodule

Ang thyroid nodule ay isang abnormal na overgrowth ng tissue sa thyroid gland.5 May mga tao na tinutubuan ng isang nodule habang may iba naman na tinutubuan ng marami.5 Ang thyroid nodule ay karaniwan kung tutuusin, na halos kalahati ng lahat ng tao’y nagkaroon ng hindi bababa sa isang nodule pagsapit nila sa edad na 60.5 Tulad din sa pagtubo ng goiter, ang pagtubo ng thyroid nodule ay maaaring dulot ng kakulangan ng iodine sa diet.6

Ang thyroid nodule ay maaaring iklasipika gamit ang scan bilang “hot”, “warm” o “cold”. Kung ang isang nodule ay walang ginawang iodine ito’y lalabas na “cold” sa scan. Iyong nodule na nakagawa ng iodine ay lalabas na mas matingkad at tinatawag na “hot”. Tinatayang 85% ng mga nodule ay cold, 10% ay warm at 5% ay hot. Sa mga ito, 85% ng mga cold nodule ay benign (non-cancerous), habang 90% ang sa warm at 95%  ang sa mga hot nodule.

Sa simula, karamihan ng thyroid nodule ay hindi nagdudulot ng kapansin-pansing sintomas.6 Kadalasan ay hindi sila nadidiskubre hanggang sa pagsapit ng susunod na routine medical examination o sa mga imaging test tulad ng computed tomography (CT) scans o ultrasound ng leeg, na ginawa sa ibang dahilan.6 Habang lumalaki ang thyroid nodule, maaaring mangyari ang mga sumusunod na sintomas (bagaman bihira ang mga ito):

  • Hirap sa paglunok o masakit sa tuwing lumulunok6
  • Hirap sa paghinga6
  • Paos6
  • Mga sintomas ng hyperthyroidism5

Sa simula pa lamang na magkaroon ng hirap sa paghinga, kumonsulta agad sa doktor. Kung sa tingin mo ay may tumubong nodule sa iyong thyroid gland, maaari mong gawin ang tinatawag na “neck check”, na itinakda ng American Association of Clinical Endocrinologists.4

Ang pagsuri at paggamot

Sunod sa isang simpleng pisikal na eksamen ng doktor, isang blood sample ang kukunin upang malaman kung may sapat na TSH sa dugo.1 Ang hormone na ito ang magsasabi kung gumagana nang normal ang thyroid gland. Nagsasagawa ng ultrasonography (isang ultrasound na scan) upang tukuyin ang aktwal na laki ng nodule at thyroid gland.1 Ang scan na ito ay hindi masakit. Kabilang sa ibang paraan upang suriin ang nodule ay ang radioactive iodine scan at ang fine-needle biopsy.1

Paano gamutin ang goiter at nodule?

Hindi lahat ng goiter at nodule ay kailangang gamutin.3 Depende sa uri at laki, ang pagtubo nila ay maaaring obserbahan na lamang nang regular. Sa pangkalahatan, may tatlong uri ng paggamot. Ang pagpili ng therapy ay depende sa pagsusuri ng bawat indibidwal na pasyente. Ang pangunahing layon ng paggamot ay ang paliitin ang lumaking thyroid gland at nodule.

Ang paggamot na may medikasyon

Para sa goiter at nodule na dulot ng kakulangan sa iodine, maaaring magbigay ng iodine supplement.1 Kung ang goiter ay dahil sa Hashimoto’s thyroiditis at mayroon kang hypothyroidism, ikaw ay bibigyan ng angkop na medikasyon upang manumbalik sa normal ang iyong thyroid hormone level.1 Kapag ang goiter at nodule ay may kasabay na hyperthyroidism (hal. sa kaso ng “hot” nodule), karagdagang medikasyon ang irereseta.1,7

Radioiodine therapy

Ang radioiodine ay binibigay bilang minsanang gamutan, bilang isang pill. Ito ay papasok sa thyroid gland sa daluyan ng dugo, kung saan ito ay maiimbak — at papasimunuan nito ang pagliit ng thyroid tissue na dulot ng short-range radiation.3

Operasyon sa thyroid

Kung ang thyroid nodule ay nakita, isang paraan ng paggamot ang pagtanggal sa isang operasyon ng buong thyroid gland. Idagdag pa, maaaring tanggalin ang ilang bahagi o ang buong thyroid gland kung ito’y naging malaking sagabal na. Kasunod sa ganitong operasyon, ang paggamot gamit ang substitution therapy ay kailangan upang mapalitan ang produksiyon ng thyroid hormone.3

Anuman ang partikular na therapy — at upang makatulong na rin sa pag-iwas sa sakit sa thyroid — laging seguruhin na may sapat kang pagkonsumo ng iodine sa iyong diet.

  1. American Thyroid Association. Goiter. 2016 Available at http://www.thyroid.org/wp-content/uploads/patients/brochures/Goiter_brochure.pdf. Last accessed February 2022
  2. United Nations. Sixth report on the world nutrition situation. Available at http://www.unscn.org/files/Publications/RWNS6/report/SCN_report.pdf. Last accessed February 2022
  3. Goiters: abnormally large thyroid glands. Available at https://www.endocrineweb.com/conditions/goiters/goiters-abnormally-large-thyroid-glands. Last accessed February 2022
  4. American Association of Clinical Endocrinologists. Neck check. Available at http://www.thyroidawareness.com/neck-check. Last accessed February 2022
  5. Thyroid nodules: prevalence, symptoms, causes, diagnosis, and treatments. Available at https://www.endocrineweb.com/conditions/thyroid-nodules/thyroid-nodules-prevalence-symptoms-causes-diagnosis-treatments. Last accessed February 2022
  6. American Thyroid Association. Thyroid nodules. Available at http://www.thyroid.org/wp-content/uploads/patients/brochures/Nodules_brochure.pdf. Last accessed February 2022
  7. Fine needle biopsy of thyroid nodules. Is it cancer or just a benign nodule? Available at https://www.endocrineweb.com/conditions/thyroid/fine-needle-biopsy-thyroid-nodules. Last accessed February 2022

GL-NONE-00102

Date of preparation: February 2022